Noong ika – 24 ng Agosto 2009, nagimbal at nabalot ng dalamhati ang buong lungsod ng San Jose del Monte sa pagkamatay ng ating Punong Lungsod Eduardo V. Roquero, M.D. Ng sumunod na araw, Agosto 25, 2009, nanumpa sa harap ni Gobernador Joselito R. Mendoza sina Vice-Mayor Reynaldo S. San Pedro bilang Punong Lungsod at si Konsehal Nolly D. Concepcion bilang Pangalawang Punong Lungsod. Noong Lunes, ika-7 ng Septyembre, nanumpa naman si Eduardo V. Roquero, Jr. bilang Konsehal sa harap din ni Gobernador Mendoza. Malinaw na maayos ang transisyon ng posisyon sa Local na Pamahalaan ng San Jose del Monte.
Ngunit ilang araw lamang, pagkatapos na siya ay maihatid sa huling hantungan, isa nanaman trahedya ang gumimbal sa buong Lungsod sa pamamagitan ng ORDER na inilabas ng COMELEC EN BANC.
Sinasabi ng ORDER na kinakatigan ng COMELEC EN BANC ang Resolusyon ng kanilang 2nd Division noong Marso 9, 2009, na ang nanalo sa nakaraang eleksyon noong May 10, 2007 ay si Angelito M. Sarmiento sa pamamagitan ng botong 56,688 laban sa boto ni Mayor Eduardo V., Roquero, M.D. na 55,364.
Sinasabi ng ORDER na ito na dahil sa namatay na si Mayor Roquero ay wala ng interesadong partido na magpapatuloy ng kaso at dahil sa kahilingan at manipestasyon ng mga Konsehal ng K4 at kalaban sa politika ni Mayor Roquero na sina THELMA D. SAN PEDRO, ROMEO N. AGAPITO, PACIFICO A. DALUS, GLENN M. VILLANO, GIOVANNI B. CAPRICIO, CELSO G. FRANCISCO, at ALLAN REY A. BALUYOT ay dinismiss ng COMELEC EN BANC ang Motion for Reconsideration at nagdesisyon na bakantehin ni Mayor Reynaldo San Pedro ang posisyon ng Mayor.
Sapat bang maging batayan ng COMELEC EN BANC ang pagkamatay ni Mayor Roquero at ang manipesto ng kalabang Konsehal ni Mayor Roquero upang desisyonan ang protesta ni Angelito M. Samiento?
Bakit hindi idinaan ng mga Commissioners ng COMELEC sa tamang proseso ang pagresolba sa protesta. Paanong dinesisyunan ito ng mga Commissioner? Gayung hindi malinaw kung sino ang naglagay ng mga pekeng balota sa mga ballot boxes? Ano ang naging pananagutan ng mga taong siyang may hawak ng susi ng mga Ballot Boxes at ang mga taong siyang itinalaga upang mangalaga sa mga ito? Paanong narebisa ang mga Balota, samantalang ang mga Ballot Boxes ay nasa pag-iingat ngayon ng Senate Electoral Tribunal (SET).
Bakit hindi isinaalang-alang ang posisyon ng mga guro na nagsilbing mga Board of Election Inspectors (BEI) at nagsasabing naging malinis ang naganap na nakaraang halalan? Ano na ang naging silbi ng mga watchers na itinalaga sa bawat presinto at nagsasabi na walang anomalya na naganap noong halalan.
Ganun na lamang ba hinahatulan ang mga sagradong boto ng mga taga Lungsod ng San Jose del Monte? Isa itong pagsikil sa karapatan ng mayorya, sa esensiya ng demokrasya at paglalapastangan sa pangalang matagal na iniingatan ng yumaong Mayor Roquero.
Kasama na bang namatay ni Mayor ang sagradong boto ng mamamayan at ang kanyang pakikipaglaban sa katotohanan at katarungan? Dahil ba wala na siyang buhay at lakas upang ipagtanggol ang kanyang sarili ay basta na lang ba ibabasura ang kanyang ipinakikipaglaban? At ngayon ay malaya nilang sasabihin na siya ay nandaya?
Masasabi bang nandaya si Mayor Roquero na nakatapos ng tatlong (3) termino sa kanyang panunungkulan at isang termino ng pagiging Congressman at muling nakabalik sa pagiging Punong Lungsod? Hindi pa ba sapat na patunay ang libo libong tao na nagluksa sa kanyang pagkawala?
Hindi ba’t noong nakaraang halalan ang kasalukuyang Mayor ay si Angelito M. Sarmiento at sila ang may control sa buong cityhall? Paano dadayain ni Mayor Roquero ang isang incumbent at may kontrol ng kapangyarihan?
Sa unang lumabas na Resolusyon ng 2nd division at sa ORDER ng COMELEC EN BANC hindi nailahad kung paanong nagkaroon ng dayaan.
Sa paglabas ng ORDER sapat na bang masabi na ito na ang katotohanan at katarungan na si Mayor Roquero ang nandaya sa nakaraang halalan?
Papayag ba tayo na hindi merito ng kaso ang pinagbasehan ng comelec kundi ang kamatayan at manifestasyon ng mga konsehal na nakapanig sa partido ni Angelito Sarmiento?
Nagtatanong ang taong bayan; nasaan na ang katarungan? Sino ang dapat magbigay nito sa mamamayang San Joseno?
Ang tinatamasang kaunlaran ng SJDM bilang unang Lungsod sa Bulakan ay utang nating lahat kay Mayor Roquero. Ang panunungkulan ni Mayor Roquero ay maituturing na GOLDEN AGE OF GOVERNANCE. Hindi ito mapapasubalian ninuman.
Si Angelito Sarmiento ba ang dapat na mamuno sa isang Lungsod na buong ingat na iniangat ni Mayor Roquero sa mahabang panahon. Paano siyang magiging ehemplo ng kapayapaan kung siya mismo ang pinagmulan ng kaguluhan? Anong klaseng liderato ang kanyang taglay at iaalay? Katotohanan bang masasabi ang kanyang pinaglalaban o ito ay malinaw na KASAKIMAN SA KAPANGYARIHAN?