11.09.2009

GISING KAIBIGAN!!!

Image and video hosting by TinyPic
MALING PAMUMULITIKA..TIGILAN NA!!! by Greys Osido

Kapag may balita sa TV, o narinig tayo sa radyo, o nabasa sa dyaryo lagi tayo may komento, kesyo bulok na katwiran, maling pamamahala, maitim na hangarin. Pero minsan ba nakita natin ang sarili nating bayan na nasa ganun ding kalagayan? Ni minsan ba sa buhay ng mga nagsasabing tunay na lingkod bayan ay hindi sila nadungisan? Masasabi ba nila na sa tagal nila sa paglilingkuran ay naging makabuluhan? Sino bang pulitiko sa San Jose Del Monte ang taas ang noo at magsasabing naging mabuti silang pulitiko? Nakapag bigay ng bagong kahulugan sa pulitika, nagbigay ng bagong pag-asa. Sino ba ang makapagsasabing sila ang dahilan ng pag angat ng antas ng pamumuhay sa lungsod na kinikilala nila? Sino ang may karapatang kumuha ng kredito sa lahat ng kaunlaran na ating tinatamasa?

Nakalulungkot lang isipin na sa kabila ng lahat ng kabutihang nagawa, kagalingang ipinakita at pagmamahal na walang pag iimbot na ibinigay ni MAYOR EDUARDO V.ROQUERO ay mayroon paring mga taong hindi matanggap na hanggang sa kahuli-hulihang sandali nya sa mundo ay hindi nila ito tinalo, nakakapang baba ng loob na ilan sa mismong pinagkakatiwalaan nya ay agarang tumalon, agarang nagpalamon sa kumunoy, agarang nadarang sa apoy ng pulitika. Maagang nagsi taya sa mapanlinlang na pangako ng mga gahaman sa kapangyarihan at may maiitim na balakin sa ating pamahalaan. Sa kabila ng kanyang pagkawala na para sa kanila ay isang malaking oportunidad na mamayagpag ay hindi parin tinatantanan ang pambabalahura sa kanyang pangalan.

Nakakalungkot isipin na ang mismong mga taong minsan mong nakasama ay agad na maghahanap ng pugad na dadapuan sa hindi katanggap-tanggap na dahilan, mga rason na kahit isang musmos ay hindi mauunawaan. Nasaan ang lohika? Nasaan ang sinasabing maalab na pagnanais na paglilingkod? Paglilingkod nga ba? O paniniguro sa poder sa pulitika? Nasaan ang mga taong minsan mong hinangaan sa angking galing at husay? Mga hindi matawarang prinsipyo, nasaan ang mga ito?

Hindi tayo naglalaro kung sino ang mananalo kanino. Hindi dapat ginagawang biro ang mga bagay na pinagbuhusan ng buong lakas at angking husay ni EVR. Hindi kami papayag na sa makasariling dahilan ay mawalan ng saysay ang kanyang pagtataya ng buong buhay sa mahal nating lungsod. Hindi kami magiging talipandas at bulaan sa mga katagang aming binitiwan. Hindi namin ipagpapalit ang natitira naming bait sa sarili ng dahil lang sa awa. Hindi kami magpapagamit sa mga pulitikong may matagal ng ambisyon na pumusisyon. Hindi namin ipagkakatiwala ang hinaharap ng mahal naming lungsod sa mga mapagsamantalang buwitre. Handa kami sa lahat ng hamon na ibabato sa amin, hindi kami susuko sa pagbibigay ng walang katapat na pagpupugay na nababagay sa isang magaling na PANDAY ng lungsod LUNTIAN. Tigilan na ang lumang pamumulitika. Patunayan ang dapat patunayan. Ilabas ang lahat ng angking kahusayan. Gumising na ang mga namamalikmata, pakinggan ang nagsusumigaw na katotohanan. Baka kayo ay napaglalaruan lang. Isang sarsuela..isang planadong pag ganap ng mga mahuhusay na aktor..isang hindi katanggap tanggap na katapusan na hindi na maari pang balikan..gising kaibigan!! HINDI LAHAT NG HINDI MO NAIINTINDIHAN AY KASINUNGALINGAN, GAYA NG HINDI LAHAT NG KAYA MONG UNAWAIN AY KATOTOHANAN..

ABANTE SAN JOSE!!!